Naaalala mo?

Naaalala mo pa ba? Dati hinahatid ka pa sa eskwela, excited kang makipag laro sa mga kaklase mo. Kahit hindi mo alam pangalan ng iba, naipapakita mo sa kanila yung tunay na ikaw. Noon purong puro pa ang emotion mo, naiiyak ka pag pinagagalitan ka o tinutukso. ‘Di tulad ngayon, tinatago mo nalang, o kaya naman kailangan mo pang ibaling sa ibang bagay mga hinanakit mo. Dati, kahit ikaw lang mag isa naglalaro, ok lang. Kasi kasama mo ang imahinasyon mo, at sa mundo mo na yun, sobrang daming pwedeng mangyari, sobrang dami mong pwedeng makasama. Naaalala mo pa ba nung sinusundo ka ng magulang mo sa eskwela? Tapos pag uwi mo ng bahay marami ka pang oras para gumawa ng assignment, tapos lumabas ng bahay para maglaro. Pag uwi mo makakapanood ka pa ng mga cartoons o anime. Yung iba sa atin may oras pa ngang makapag laro ng family computer, o kaya playstation 1 sa gabi bago matulog. Tapos naaalala mo ba? Na nanonood ng teleserye, o kaya naman balita ang mga magulang mo habang ikaw patulog na? Hindi mo nga napansin eh, na yung mga programang yun ang nagpapatulog sayo.

Naaalala mo pa dati? Makakatulog ka sa sofa, sa kotse, or sa harap ng tv sa sala, tapos pag gising mo, umaga na tapos nasa kama ka na? Oh yung mga panahon na magulang mo pa ang naglalagay ng agua oxigenada o band aid sa sugat mo? Naaalala mo? Dati pag may bago kang na diskobre, o kaya naman may bago kang napagdaanan, una mong nilalapitan ang magulang mo? Para mapakita mo sa kanila mga gawa mong drawing, artworks, mga napulot mo sa kalye. o kaya naman pag may naka away ka o may bago kang kalaro, sa kanila mo agad sinasabi. Eh naaalala mo ba? Kung gano ka kahigpit yakapin ng nanay o tatay mo? Naaalala mo ba kung ilang beses nilang sina bi sayong “I love you anak”, “mahal na mahal kita anak”?

Lumipas na ang panahon kapatid. Hindi na tayo mga bata. Marahil marami sa atin, hindi pinabayaang kainin ng edad ang pagiging “bata”. Pero malamang sa malamang hindi na tayo mabubuhat ng mga magulang natin, ng nanay o ng tatay natin, para ihiga tayo sa kama, palitan ang damit nating basa ng pawis, lagyan tayo ng pulbo sa likod, at kumutan para ‘di lamigin.

Sana naaalala mo pa. Kasi sila, naaalala nila.